May Lalaking Tumatawa sa Jeep

Hindi ko matandaan kung anung panahon iyun, pero alam ko, tirik ang araw noon at nakasakay ako sa jeep, sa pinakasulok, katabi ng pasukan ng mga tao, dikit sa bakal ang aking braso dahil siksikan. Papuntang trinoma ang jeep at marahil ay mga estudyante ng UP ang kasakay ko. May ilang matatanda rin, at ang kaharap kong may dalang payong ang pinakanatatandaan ko. Lalaki siya, mas may edad kesa sa akin, kita sa kanyang buhok. Isang beses lang kaming nagkatitigan noong sandaling iyun. Nahuli ko marahil siyang nakatitig sa akin at inalis niya ang tingin niya at hindi na muli akong tiningnan.

Noong nakaraang taon pa ito, hindi ko matandaan kung anong buwan, pero ito ang buwan na pinakamabigat yata ang aking pakiramdam. Ang sinasabi nilang krus na pasan, wala naman, pero may mabigat sa balikat, sa likod ko. Ito siguro yung sinasabing dinadala, dahil kahit wala akong nakikita, meron akong nararamdamang bigat. Ito yung panahong lahat ay tungkol sa akin at sa aking nararamdaman. Lahat ng palabas sa TV, lahat ng commercials, lahat ng kanta at tula at pelikula at kwento, lahat tungkol sa akin. Pati ang pagkakataong iyun sa loob ng jeep. Sa walang kahit anumang dahilan, bigla na lang bumuhos ang luha ko. Tuluy-tuloy. Hanggang sa ang pagluha ay nagkaakibat na ng hikbi. Pinigilan kong huwag maging maingay dahil nasa jeep ako. Alam ko iyun, alintana ko iyun ngunit hindi nagpapapigil ang aking mata sa paglabas ng mga di ko inaasahang emosyon sa pagkakataong iyun. 

Iyun siguro ang dahilan kung bakit may lalaking tumitig sa akin sa jeep, na nag-allis ng tingin nang magkatapat ang aming mga mata.

Pero noong nakaraang taon ito.

Kagabi. Nakasakay ulit ako sa jeep. Mga walo lang siguro kami sa labingdalawahang jeep. Malaki ang jeep at madilim. Kulay asul ang ilaw malapit sa driver at may ilang madidilim na ilaw din malapit sa hawakang bakal. Mabilis ang jeep na parang sumasabay sa tugtog nitong rap na tagalog na sa totoo lang ay mas naeenjoy kong pakinggan kesa sa mga nakahandang playlist sa phone ko.

Kasabay ng mga di ko naman talaga naiintindihang mga salita, bigla akong nakaramdam ng saya sa loob ko. Napangiti ako na may kasamang malakas na paghinga. Hindi ko alam ang pinanggagalingan pero may masayang pakiramdam ang bumalot sa akin galing sa aking kalooblooban. Kung ito ang nararamdaman ng isang babaeng nilalabasan, hindi ko malalaman, pero ayon sa mga nababasa ko, may hawig ang pakiramdam. Parang bumubukas ang likod ko sa gaan na parang may mga pakpak na nais kumawala. at ang dilim ng sasakyan ay lumiliwanag sa aking pagpikit. Kung nakangiti ako ay isa na lamang iyung understatement.

Mabuti na lamang at nakatingin sa harapan ang mga sakay ng jeep. 

Pero itong isang binatilyo sa harap ko ay nangingiti. Nakatingin siya sa akin at hindi inalis ang tingin kahit na nagkatitigan kami. kaya naman tinanguan ko na lang siya. Tumango din siya at ngumiti. 

Huminga ako nang malalim at matapos ang ilang saglit, nauubos din ang panandaliang sayang naramdaman ko. Hindi ko alam ang dahilan. Siguro si Arvie.

Image

 

 

BTW.

Hi Guys! 

Im Back!

2 thoughts on “May Lalaking Tumatawa sa Jeep

  1. Napakaswerteng nilalang makita ka at matitigan ang katulad mong napakagaling maglahad at sumukat ng iying tunay na nararamdaman

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s