Ang Pinakamagandang Puso

Ito ang kwento ng pinakamagandang puso.

Hindi ang pinakamabuti.

Hindi ang pinakamalambot.

Hindi ang pinakamapagmahal

Kundi nang pinakamagandang puso.

 

Minsan nakita siya ng isang batang-batang puso.

Pulang-pula, mapintog.

Walang sira.

Wala pang bakas ng pagkadurog.

 

Sabi ng batang puso, “Ako ang pinakamaganda. “

Pero ang mga pusong nakakasalubong niya, sinasabing hindi siya.

At itinuro siya ng mga puso sa pinakamaganda sa kanila.

 

Ang pinakamagandang puso ay nagtatago sa dilim na kahit natatakot ay pinasok ng batang puso.

Gusto niyang makita ang sinasabing tumatalo sa kanya.

Nanginig sa lamig ang batang puso sa kanyang bawat hakbang.

“Paanong magiging lugar ito ng pinakamaganda?” pagtataka niya sa kapaligiran.

Ang katahimikan ay sumisigaw. Ang kapaitan ay umaalingasaw.

 

Tiniis niya ang pangamba hanggang sa marating niya ang kinauupuan ng sinasabing pinakamagandang puso.

 

Agad siyang tumutol sa kanyang nakita.

Natawa.

Biro ba ito ng lahat ng puso sa kanya?

Ang sinasabi nilang pinakamandang puso

Parang nalaglag sa bangin.

Nagalusan dito.

Nasugatan doon.

May hiwa dito.

May uka doon.

“Ano ba ang pinagmamalaki nito?

Iyon bang kanyang korona?

Hindi niya iyun ikinaganda.”

 

“Anong ginagawa mo dito?”

Tanong nang pinakamagandang puso.

 

Sumagot ang batang puso.

“Ikaw daw ang pinakamagandang puso?

Paanong nangyaring ikaw ang pinakamagandang puso?

Sira-sira ka

Kulang-kulang

Nababakbak ka na at nababalatan

Halos mabutas na ang iyong katawan”

 

Marahang umalis ang pinakamagandang puso sa kanyang kinauupuan

Lumapit sa batang puso

Kinilatis ang sa kanya ay tila nangungutya.

Pero hindi siya nagalit.

Mas pinili niya ang umunawa.

 

“Bata ka pa at iyan ang iyong kagandahan

Wala ka pang sugat.

Hindi ka pa nababawasan.

Sarili mo pa lang ang iyong nakikita sa salamin

Tanging kagandahan lang ang laman ng iyong panalangin

 

“Samantalang ako ay tapos na sa aking sarili

Nagtiwala na ako

Ako’y isang pusong nakipag isa sa isa pa

Hanggang kaming dalawa ay maging iisa na.

 

“Ngunit lahat ay natatapos, lahat ay dapat maghiwalay

At sa bawat pagbabaklas, sa katawan ko’y may nababawas

Ang mga butas ko’y bahaging binahayan at iniwan

Ang mga sugat ko’y pangakong napako at kinalimutan

Ang korona mong tinutukoy na hindi ko ikinaganda

Ay isang punyal na iniwan ng aking huling nakilala

Pero hindi siya ang nagbaon nito sa aking katawan

Ako ang nagdiin nito, ito ay aking kasalanan”

 

Hinawakan ng batang puso ang punyal na nakatarak sa pinakamagandang puso

Napasigaw sa sakit ang pinakamagandang puso

Hinila ng batang puso ang punyal

Bahagyang lamang na umangat

Hindi niya natanggal

 

“Ako ang nagpasok niyan at ako lang ang makakaalis”

Sabi ng pinakamagandang puso.

“Dahan-dahan, tulad nang dahan-dahan kong pagpapatuloy nyan sa aking katawan.

Na kahit alam kong kailangan kong tanggalin sa huli

Hinayaan ko lamang

Habang tumatagal kasi ang pag-ibig at naiipon

Mas lalong lumalalim ang pagkakabaon

At kung gaano kasaya ang bawat oras na nahayaan

Ganoon din kasakit ang paghilang mararanasan

Hindi pwedeng biglain dahil may maiiwan

Na maaaring ikasakit din ng susunod na paglalaanan.”

 

“Hindi makapaniwala ang batang puso sa kanyang nasaksihan

Upang maging pinakamaganda, kailangan bang masaktan?”

 

Tinanong ng batang puso ang pinakamagandang puso kung tama ang kanyang naiisip

“Ikaw ba ang pinakamaganda dahil marami ka ng naranasan?

Ikaw ba ang pinakamaganda dahil marami ka ng alam?”

 

“Hindi.”

Sagot ng pinakamagandang puso.

“Ang alam ko lang, alam ko ang aking halaga.

Na hindi ko kayang ibaba para lamang sa iba

Oo minsan, ako’y umuunawa

Minsan ako ay nagtitiis

Naranasan ko na ring magparaya

Nasubukan ko na ring magpigil

Pero minsan ang hindi ay hindi pwedeng ipagpilitan

Kailangang tapusin ang hindi dapat matuluyan

At masakit iyon.

Bawat pagkakamali ay masakit.

Pero kailangang itama ang bawat pagkakamali

Pagbayaran ng pait mga naitayang hindi na mababawi.

 

“Matapos noon ay magpahinga.

At alaming muli ang halaga

At sumubok muli.

At mapagod.

Hanggang sa mahanap ang bubuo sa lahat ng aking pagkadurog.

Kapag nangyari iyon, maaalis muli ang hapis ng paghihintay

Dahil ang alam kong sarili kong halaga

Mayroon nang magpapahalaga.”

most beautiful heart

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s