Hindi ko pa nasubukang magbiyahe mag-isa for the sake of travelling alone. Kung lalabas ako, dalawa lang yan; i am with someone i love, or i am on an assignment. Lumalabas din ako para mag-workout, magbike, magswim, that is for fitness. Kumakain din ako sa labas mag-isa dahil inabutan ako ng gutom. Kung manonood man ako ng sine, para lang magpalipas ng oras. Pero yung mag-aaksaya ako ng oras at pera para lumayo sa bahay dahil gusto ko lang mag-isa, hindi ko pa nagagawa.
Pero nitong mga huling araw, napaka-inviting ng idea na umalis mag-isa. Gusto kong mag-Baguio. Gusto kong maranasan yun mga sinasabi sa pinterest at sa IG na mga quotes na baka may chance akong makilala ang sarili, makadiskubre ng bago, magkaroon ng bagong karanasan. Kaya iyun sinubukan ko muna. Kasi nga, “Don’t grow old without ever traveling alone.”
Kaya bago subukang akyatin ang Baguio, ibang bundok muna ang inakyat ko. Antipolo, the land of Our Lady of Peace and Good Voyage at ng Hi-Hi-Hinulugang Taktaktak (Kung kaedad kita, kinanta mo ang part na ito).
Pero hindi naman ang mga ito ang pinunta ko dito. Isa sa mga binibisita sa Antipolo ang Pinto Museum. Kilala rin ito bilang Pinto Art Gallery at Pinto Art Museum, at matatagpuan ito sa isang exclusive subdivision sa San Roque, Antipolo Rizal Province. (Exclusive subdivision ito kasi may guard na nagtatanong sa mga papasok eh). Bukas ito mula 9am hanggang 6pm, so basically, office hours at ang opisina nila ay matatawagan sa numerong (02) 697 1015. ayan na ang detalye. Free advertisement na ito for them, dahil nagbayad ako ng 180 pesos sa entrance. and students, mas mababa ang presyo. Kaya kung may ID, prepare na ninyo at sabihing, “Ate, student, malandi pero paasa lang, kaya virgin pa rin.” at makakakuha ka na ng discount.
Iyun naman ang mahalaga. Bago pumunta sa pupuntahan, i-google na muna ang mga bagay-bagay. Dahil tulad ng ganda, pag alam mo ang daan papunta, meron ka ng fifty percent chances of winning.
Mula sa Robinsons Metroeast sa Marcos Highway, Sumakay ako ng jeep na Antipolo. 20pesos ang pamasahe, kaya naman alam kong mahaba-haba ito. Sa terminal na ako bumaba, kung saan bababa lahat ng nakasakay sa jeep, pati na ang driver para pababain ang mga ayaw pang bumaba. Mula doon, tricycle na ang sinakyan ko. Kahit anung tricycle mukhang pwede naman dahil napakaraming tricycle sa lugar. Sinabi ko lang na Pinto, alam na nung driver. 50 pesos naman ang bayad sa tryk hanggang sa gate na ng museum.
Ayun, so basically, 70 pesos papunta, 180 entrance, tapos pabalik, 70 din, 320pesos at pwede nang ma-enjoy ang Pinto Museum. Noong una kong tapak sa musuem, pagpasok sa gate, nakaramdam ako ng saya.
Parang achievement unlocked. Nakarating na ako sa Pinto. Mga ilang linggo ko na rin kasing naisip puntahan ang lugar na ito at ito na nga. Maganda ang lugar. Bago, nakakapanabik. Pero higit pa sa lugar, masaya ako na narating ko ang museum.
It was a Thursday, i guess. Kaya nang makarating ako ay mabibilang sa kamay ang mga tao. Ang nagparami sa lugar ay ang mga ikakasal na gumagawa ng mga pekeng ala-ala bago sila ikasal. Dalawa lang sila pero ang mga nagta-trabaho para sa kanila ay mga sampu. Pero hinayaan ko na silang magpakasaya dahil alam ko namang maghihiwalay rin sila.
Dahil nasa labas naman ang mga nagpe-prenup, walang mga tao sa mga galleries. Una kong napuntahan ang collection nila ng mga anito, bul-ol at mga hinabing tela ng mga katutubong Filipino.
Dahil walang tao, hindi nakakahiyang magphotoshoot. Salamat sa front camera at timer ng telepono ko. Iyun, marami akong nagawang Selfie. Pero tingnan na lang ninyo yun sa FB ko para hindi masyadong nakakahiya dito.
Matapos ang tour sa Gallery na ito, yung anim na magkakasamang galleries naman ang pinuntahan ko. Nandoon ang mga paintings, scuptures at mga installation arts na kung hindi kulang ang mga pagkakabasa ko ay mga likha mula noong early ninetiees hanggang sa kasalukuyang panahon.
Mula sa grupong SalingPusa ang pinakamalaking painting sa museum. At ilan sa mga members ng Salingpusa ang nagkaroon na ng sariling pangalan at nagkaroon ng kanya-kanyang gawa na nakaexhibit na rin sa loob. ilan sa kanila ay sina Elmer Borlongan, Jose Santos III, Tony Leano, Jim Orencio, Ferdie Montemayor, and Pamela Yan Santos.
I’ll focus on the works kapag bumalik ako sa Pinto Museum na may kasama na ako. Pero sa ngayon, ito munang mga larawan ang maibabahagi ko.
Hindi naman nga kasi ang arts ang pinunta ko dito. Gusto ko lang subukan kung ano ba ang feeling na magbiyahe mag-isa. Trial muna kung gusto ko ba, kasi mahirap naman kung Baguio agad, pitong oras din na biyahe iyon.
At gusto kong makilala ang sarili ko sa paraang tulad ng sinasabi nila. Get lost and you’ll find yourself. Baka may malaman akong bago tungkol sa akin. Para rin mapalawak ang mga known areas ko sa Jo-Harri Window.
Success naman.
Ngayon alam ko na na ayoko ang ginawa ko. Ayokong umalis mag-isa. Ayoko ng memory na sa akin lang. Gusto ko nang may kasama. At dahil maganda naman ang nakita ko sa Pinto Museum, babalik ako dito. Hindi na nga lang nag-iisa.